Minsan, pagkatapos ng isang sesyon, napagusapan namin ang paghihirap na dinadanas ng mga musiko. Madalas sobrang mababa ang trato sa kanila. Madalas, maliit lang ang budget. Madalas hindi, o matagal bago bayaran. Madalas, nangaabono ang pobreng musiko para lang matapos ang proyekto. Madalas, walang trabaho. Madalas kinakaltasan ang pinaghirapan mong kita. Madalas walang pumapansin sa iyo kasi ayaw mong makilaro sa intriga ng showbiz at PR. At ang masakit sa lahat (lalo na kapag gutom), madalas puputok na ang ulo mo dahil hindi mabuo ang pinaghihirapang kanta o piyesa. Madaling sisihin ang sistema ng kalakaran. Pero hindi ganoong ka-simple ang suliraning ito. Sa akin, ang mga ugat ng problemang ito ay panloloko at kapapabayaan, o ang pananaw na nangyayari ito.